Hindi residente ng Caloocan, ayon sa korte: Baby Asistio disqualified
MANILA, Philippines - Inatasan kamakailan ng Caloocan City Regional Trial Court ang Commission on Elections na tanggalin si Luis “Baby” Asistio sa listahan ng mga kandidatong mayor sa lunsod sa darating na halalan.
Ipinalabas ni Judge Arthur Malabaguio ng Caloocan RTC Branch 52 ang desisyon na nagsasaad na napatunayang hindi lehitimong residente ng lunsod si Asistio kaya dapat tanggalin ang pangalan nito sa listahan ng mga botante at kandidato.
Sinabi ng korte na hindi naninirahan si Asistio bukod sa kaduda-duda ang ibinigay niyang address na 123 Interior P. Zamora St., Barangay 15, Caloocan City .
Dahil dito, nagdesisyon na ang korte na tanggalin sa listahan ng mga botante si Asistio matapos na mabigo itong patunayan na residente siya ng kanyang inilagay na address sa kanyang Certificate of Candidacy.
Kahina-hinala rin ang ginamit na address ni Asistio noong 2007 na No. 110 Unit 1, P. Zamora St., Barangay 15, Caloocan City habang ang nakalagay naman sa list of voters ng Comelec na address ni Asistio ay ang 109 Libis Gochuico, Barangay 15.
Napag-alaman pa na si Asistio ay kasalukuyang naninirahan ngayon sa 16-B Urdaneta Apartments, Ayala Avenue, Makati City.
Isinasaad ng Omnibus Election Code at ng Section 39 ng Republic Act 7160 na ang sinumang kandidato sa posisyon sa lokal na pamahalaan ay kinakailangang residente ng isang taon o higit pa kung saan ito nagnanais na maglingkod.
Bukod dito, napuna rin ang pagkakahatol ng isang husgado kay Asistio sa kaso nitong kidnapping for ransom kung saan ito nakulong ng maraming taon. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending