MANILA, Philippines - Ipinatigil na ng gobyerno ng Haiti ang retrieval operation sa gumuhong Caribbean Supermarket sa Port-Au Prince kung saan natabunan ang dalawang Pinay matapos ang 7.3 magnitude na lindol dito.
Ayon kay Ambassador McArthur Corsino, ipinatigil ng Haiti government ang retrieval operation sa naturang supermarket dahil may iba pang prayoridad na lugar na huhukayin at sisimulan na ang rehabilitasyon dito.
Ikinalungkot naman ng mga kaanak ng dalawang Pinay na natabunan na sina Feraldine Lalican at Grace Fabian ang nasabing ulat.
Sina Lalican at Fabian ay 25-araw ng nawawala mula ng lumindol noong Enero 21 kaya ikinokonsidera ng Philippine peacekeeping force na patay na ang mga ito.
Dumating na din kahapon ang 32 Pinoy na nakaligtas sa naturang lindol sakay ng Philippine Airlines Flight PR-103 mula sa Los Angeles.
Kasama sa mga dumating ang dalawang anak ni Lalican, kapatid nito na si Sheryl, at pinsan na si Rosemarie Paglumotan kasama ang kani-kanilang mga anak na sanggol.
Patuloy naman umaasa ang mga ito na buhay pa ang dalawang Pinay. (Ellen Fernando)