Wala pang witness sa 'Maguindanao'
MANILA, Philippines - Wala pa umanong lumalantad na testigo sa malagim na Maguindanao massacre kung kaya’t mistulang nangangapa sa dilim ang mga tagapag-usig sa naturang kaso.
Sinisikap pa rin umano ng mga prosecutors na makakalap ng mga matibay na ebidensya at testigo upang maidiin ang mga pinaghihinalaang utak sa maramihang pagpaslang na lalung kilala sa tawag na Maguindanao Massacre noong Nov. 23.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pag-aalala ang mga pamilya ng mga biktima dahil sa “mabagal” na pagsulong ng hustisya kaya kanilang hiniling ang agarang paglilitis ng naturang kaso.
Ang Department of Justice (DoJ) special panel of prosecutors ay wala pang inihaharap na witness hanggang ngayon na direktang nag-uugnay sa mga arestadong suspects sa pagpaslang sa 57 katao, kabilang ang 30 miyembro ng media.
Naging isyu na ang karapatang-pantao dahil sa patuloy na pagkaka-kulong ng mga suspects habang wala pang demanda laban sa kanila, samantalang umuusad naman ang multiple murder case laban kay Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan, Jr. sa Quezon City.
Sina Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan at Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. ay nananatiling naka-detine mula nang maaresto ng militar nang ipatupad ni President Arroyo ang martial rule sa rehiyon nang isang linggo.
Ang suspendidong ARMM Governor ay nakapiit sa Camp Fermin G. Lira Jr. sa General Santos City at si Ampatuan Sr. naman ay under hospital arrest sa Davao City.
Sinabi ni Justice Secretary Agnes Devanadera kamakailan na may isang “witness” affidavit na nagturo kina Ampatuan Sr. at Zaldy na siyang mga utak at nagplano ng masaker sa partido ni Buluan, Maguindanao Vice Mayor Ishmael “Toto” Mangundadatu at media members.
Ang naturang affidavit ay hindi pa napipirmahan, ayon sa DoJ sources.
Kinumpirma rin ni Devanadera na si Zaldy ay nasa meeting sa Malacañang noong araw na mangyari ang patayan sa Shariff Aguak, Maguindanao. (Mer Layson)
- Latest
- Trending