Heneral na nasawi sa Nomad plane inilibing na
MANILA, Philippines - Tuluyang inihatid na sa huling hantungan si Philippine Air Force 3rd Wing Commander Maj. General Mario Lacson sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City kahapon ng tanghali.
Matatandaan na kabilang si Lacson sa siyam katao na nasawi sa bumagsak na Nomad plane sa Cotabato City noong nakaraang linggo.
Bukod sa mga kaanak sa pangunguna ng misis nitong si Gng. Elizabeth Lacson, dinaluhan ang pagtitipon ni PAF Commanding General Lt. Gen. Oscar Ravena at ng mga mistah ni Lacson buhat sa Philippine Military Academy Class 1977. Binigyan ng tradisyunal na 21 gun salute ang namayapang heneral.
Ayon kay Elizabeth na mismong ang heneral ang pumili at humiling sa kanya na sa Libingan ng mga Bayani siya ililibing sa kanyang pagpanaw noong nabubuhay pa ito.
Dahil sa pagkasawi ni Lacson at mga kasamahan nito, muling nalagay sa kontrobersya ang PAF at ang ipinatutupad na modernisasyon dahil sa mga nagbabagsakang eroplano at chopper bukod pa sa pag-amin kamakailan ng Armed Forces of the Philippines na walang insurance ang mga sakay nito kapag umeere. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending