MANILA, Philippines - Naiuwi na sa bansa ang mga labi ng tatlong Filipino peacekeepers at isang Pinoy UN officer na pawang natabunan ng gumuhong UN headquarters sa Port-au-Prince nang tumama ang magnitude 7 na lindol sa Haiti noong Enero 12.
Dakong alas-6:20 ng umaga nang dumating sa NAIA Terminal 2 ang mga labi nina Army Sgt. Eustacio Bermudez, Navy Petty Officer 3 Pearlie Panangui, Air Force Sgt. Janice Arocena at UN administrative officer Jerome Yap lulan ng Philippine Airlines flight PR-103 mula Los Angeles sa Estados Unidos.
Mula sa NAIA ay agad na idiniretso ang mga labi ng apat sa Villamor Air Base sa Pasay City at pinangunahan ni Pangulong Arroyo ang pagbibigay ng military honors.
Ang tatlong sundalo ay agad ding dinala sa Camp Aguinaldo para sa isang araw na burol bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at kabayanihan habang ang UN officer ay ibiniyahe sa probinsiya nito sa Pampanga.
Nagpapatuloy naman ang paghahanap sa dalawa pang nawawalang OFW na sina Grace Fabian at Feraldine Calican na pinaniniwalaang natabunan ng gumuhong Caribbean supermarket. (Ellen Fernando/Rudy Andal)