CHR tutok sa 'Maguindanao'
MANILA, Philippines - Tiniyak ng Commission on Human Rights (CHR) na iginagalang ang karapatang-pantao ng mga suspects sa “Maguindanao Massacre” na nakakulong habang inihahanda ang kaso laban sa mga ito.
Ayon kay CHR Chairperson Leila De Lima, nagsasagawa na sila ngayon ng independent inquiry sa masaker upang mapabilis ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima nito at maparusahan ang responsable dito.
Gayunman, kinakailangan pa rin aniya na maproteksiyunan ang karapatang pantao ng mga suspects dito lalo na at nakatanggap ang CHR ng ulat na ilan sa mga ito ay nakakulong na gayung wala pang pormal na kasong isinasampa gaya ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan na ngayon ay nakakulong sa Gen. Santos City makaraang arestuhin nang ipataw ni Pangulong Arroyo ang martial law sa Maguindanao.
Sa ngayon ay wala pa rin aniyang testigo na tumutukoy na kabilang ang gobernador sa nagplano ng massacre at bumaril sa mga biktima.
Una na din sinabi ni Justice Secretary Agnes Devanadera na nasa Malacañang si Zaldy Ampatuan noong maganap ang mass killing. Bunsod nito, iginiit ni De Lima na dapat na maging parehas ang batas at kilalanin din ang karapatan ng mga suspects dito.
Inihayag pa ni De Lima na nagmo-monitor ang independent teams ng CHR sa mga ginagawang pagdinig sa kaso laban kay Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan, Jr. sa Quezon City gayundin sa pagkakapigil kina Zaldy at kanyang amang si Andal Sr. (Mer Layson)
- Latest
- Trending