MANILA, Philippines - Epidemic nang maituturing ang HIV-AIDS sa Pilipinas kaya dapat nang mag-ingat ang mga mamamayan.
Ito ang babala ni Dr. Edsel Savana, ng PGH-Infectious Disease Treatment Complex base sa naging pag-aaral ng Philippine General Hospital, na kung hindi umano mababago ang trend ay malamang na lumobo pa sa 20,000 ang kaso sa bansa pagsapit ng taong 2020.
Sa nakalipas na taon, natuklasang mga young urban professionals ang nagtataglay ng HIV-AIDS kabilang ang mga namamasukan bilang call center agents, sex workers, mga bading at drug addicts.
Pabata na rin nang pabata ang mga nagkakaroon ng HIV/AIDS)sa bansa, dahil sa pagiging liberal ng mga kabataan sa pakikipagtalik.
Sinabi naman ni Dr. Katerina Leyritana, nasa 15 hanggang 29 anyos ang pawang apektado na at nahawa lamang dahil sa pakikipag-group sex o casual sex kahit hindi naman nila partner o boyfriend.
Sa pinakahuling datos ng Department of Health-National Epidemiology Center, umakyat na ang bilang sa 709 ang kaso sa bansa hanggang noong Nobyembre 2009, higit na mataas sa naitalang 528 na kaso noong 2008.
Kabilang sa bagong kaso ang nakumpirmang 80 HIV Ab sero positive individuals, na pinakamataas na naitala sa loob lamang ng isang buwan o noong Nobyembre 2009, kumpara sa 36 na kaso noong Nobyembre 2008.
Nakapagtala naman ang DOH ng pinakamaraming bilang ng mga bagong kaso ng HIV/AIDS nitong Disyembre 2009 na umakyat sa 126.