Luzon dumanas ng rotating brownout
MANILA, Philippines - Maraming bahagi ng Luzon at Metro Manila ang dumanas kahapon ng rotating brownout na ipinatupad kahapon ng Manila Electric Company at ng National Grid Corporation of the Philippines.
Nagbunsod sa rotating brownout ang pagkasira ng isang generation plant na nagsusuplay ng kuryente sa Meralco.
Ipinailalim naman ng NGCP ang buong Luzon grid sa red alert dahil sa inasahang diperensya sa Sual power plant.
Gayunman, tiniyak ni NGCP Deputy Assistant Chief Technical Officer Carlito Claudio na inaasahan nilang babalik sa normal ang suplay ng kuryente ngayong Martes dahil ginagawan na nila ng remedyo ang mga problema.
Ayon kay Claudio, huminto sa operasyon ang Unit 1 ng Sual power plant dahil sa tinatawag nilang feedwater pump trouble habang ang Unit 2 naman ay namatay dahil sa kakulangan ng suplay na uling.
Sinabi naman ng Meralco na daranas ng rotating brownout ang ilang lugar sa Metro Manila at Luzon hanggang alas-9:00 ng gabi kagabi.
Kabilang sa naapektuhan ng rotating brownout ang Sta. Ana, Pandacan, Sta. Mesa, Quiapo, Tondo at Sta. Cruz sa Manila; Palanan sa Makati; Mga barangay ng South Triangle, Paltok, San Francisco de Monte, Quezon City; ilang bahagi ng Sta. Cruz, San Pablo City at San Pedro sa Laguna; at mga bayan ng Guiguinto, Plaridel, Norzagaray at Angat sa Bulacan; at ilan pa sa Batangas.
Sinasabi rin ng Meralco sa isang pahayag na isinailalim ng NGCP sa red alert ang Luzon Grid dahil nasira nga ang isang Sual unit nito. (Donna Gatdula)
- Latest
- Trending