16 senador 'di kakampi kay Enrile - Miriam
MANILA, Philippines - Naniniwala si Sen. Miriam Defensor-Santiago na ginagamit lamang ang kontrobersiyal na C-5 road para pilayan si Sen. Manny Villar ng mga kalaban niya sa 2010 presidential elections.
Ayon kay Santiago, walang 16 na senador ang papanig sa ulat ni pro-administration Senate President Juan Ponce Enrile para aprubahan sa plenaryo ang Committee Report No. 780 para kastiguhin si Villar.
Nabigo umano si Enrile na magpakita ng “proof beyond reasonable doubt” laban kay Villar kung saan ito rin mismo ang umamin na walang direktang ebidensiyang mag-uugnay sa huli.
Kinuwestiyon din si Santiago kung bakit ipinababalik ng ulat kay Villar ang P6.2 bilyon gayong P200 milyon lamang ang sakop ng reklamo.
Lalong tumibay ang hinala na talagang politika ang lahat nang biglang bumaligtad si Sen. Francisco Pangilinan sa naunang resolusyong naglilinis sa pangalan ni Villar dahil lamang sa “party position” ng Liberal Party. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending