MANILA, Philippines - Natagpuan na ang bangkay ng isa pang miyembro ng RP-Peacekeeping Contingent sa Haiti mula sa gumuhong gusali ng Christopher Hotel matapos yanigin ng malakas na lindol noong Enero 12.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines–Public Affairs Office chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr., dakong alas-8:30 kamakalawa ng gabi ng makita ang bangkay ni Army Sgt. Eustacio Bermudez mula sa ika-pitong palapag ng naturang hotel.
Si Bermudez ay miyembro ng 10th RP Contingent to Haiti, tubong Talavera, Nueva Ecija, at ikatlong Pinoy na namatay sa intensity 7 na lindol. Naglingkod bilang clerk sa Conduct and Discipline Unit/Force Provost Martial sa Minustah Headquarters ng United Nations sa Haiti.
Unang natagpuan ang bangkay nina Jerome Yap, staff member ng UN at Philippine Navy Petty Officer 3 Pearly Panangui, sa ikalawang palapag ng naturang hotel noong Martes ng umaga.
Patuloy pa rin hinahanap ang sundalong si Sgt. Janice Arocena ng Phil. Air Force at ang dalawang OFW na sina Grace Fabian at Geraldine Lalican na na-trap din mula sa gumuhong Caribbean Supermarket. (Ellen Fernando/Joy Cantos)