MANILA, Philippines - Dalawang Pinoy ang natagpuang patay mula sa gumuhong hotel matapos ang intensity 7 na lindol sa Haiti noong Enero 12.
Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines-Public Information Office chief, Lt. Col. Romeo Brawner Jr., na patay na ng marekober mula sa gumuhong Christopher Hotel sina Phil. Navy Petty Officer 3 Pearly Panangui, 29 at Jerome Yap, nagsisilbing Deputy Special Representative ng UN at nagsisilbing Executive Assistant kay Luis Carlos Da Costa, Deputy Special Representative ng UN.
Nakuha ang bangkay ni Panangui sa ikalawang palapag ng naturang hotel, habang umaasa pa rin ang AFP na buhay pa ang dalawang kasamahang peacekeepers ni Panangui na sina Air Force Sgt. Janice Arocena at Army Sgt. Eustacio Bermudez na nakulong sa headquarters ng United Nation sa ikalawang palapag ng naturang hotel.
Samantala patuloy pa ring pinaghahanap ang dalawa pang Pinay OFW na sina Geraldine Calican at Grace Fabian na na-trap naman sa Caribbean Supermarket.
Ipinaabot na ni AFP Chief of Staff Gen. Ibrado ang pakikiramay ng pamunuan nito sa pamilya ni Panangui sa Zamboanga del Sur kung saan bibigyan ito ng “heroes welcome”at benepisyo pagdating ng labi sa bansa.
Samantala, sinabi naman ni Foreign Affairs Spokesman Ed Malaya, bilang pakikiramay ay ilalagay sa “half mast” ang watawat ng Pilipinas sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs.
Nasa maayos na kalagayan din aniya ang mga Pinoy sa mga evacuation centers at may sapat na supply ng pagkain, tubig at mga gamot. Plano din ilikas ang 200 Pinoy sa pamamagitan ng pagsakay sa ipadadalang chartered plane mula sa Haiti patungong Dominican Republic o pauwi ng Pilipinas. Tinitiyak din ang seguridad ng mga Pinoy mula sa mga magnanakaw ng ng pagkain at sa mga Haitians na nagkalat sa lansangan na naghihintay ng tulong mula sa ibang bansa. (Joy Cantos/Ellen Fernando)