MANILA, Philippines - Mistulang nagpaalam si Press Secretary Cerge Remonde sa kanyang pagpanaw kahapon matapos na mag-iwan ito ng huling mensahe sa kanyang Facebook account na nagpapasalamat sa Panginoon dahil sa magagandang bagay na nangyari sa kanyang buhay.
Namatay si Remonde bandang alas-11:51 ng umaga matapos itong atakihin sa puso nang makitang walang-malay ng kanyang mga kasama sa bahay sa no. 34-A Mercedez St., Bel-Air village, Makati City. Agad na isinugod si Remonde sa Makati Medical Center dakong alas-11 ng umaga ngunit idineklara itong patay ganap na alas-11:51.
Nakasaad sa ‘shout-out’ ni Sec Remonde sa kanyang Facebook account ang, “Lord, thank you for your infinite love that meets our need and provides all the beautiful and wonderful things we experience in life. Release our hearts and minds from fear and worry. Fill us with your peace as we learn to fully trust in your providence. Help us to do all that we are capable of and the rest we entrust unto you amen.”
Si Remonde ay may 221 “friends” o kaibigan sa kanyang facebook.
Sinabi naman ni Press Secretary Eduardo Ermita na malaking kawalan si Remonde sa Palasyo dahil isa ito sa masisipag na miyembro ng gabinete ni Pangulong Gloria Arroyo kung saan ikinalungkot din ng huli ang pagkamatay nito. Pansamantalang ihihimlay ang labi ni Remonde sa Heritage Memorial chapel sa Taguig City kung saan agad na ipinasundo ang misis nito sa Cebu City.
Si Remonde ay nakatakda pa kahapon na magsagawa ng media briefing sa Malacañang dakong alas-11 ng umaga.
Kasabay nito, nagpahayag ng pakikiramay ang Senado at maging ang pamunuan ng National Press Club of the Philippines sa mga naiwang kaanak ni Remonde.
Ayon kay NPC President Benny Antiporda, malaking kawalan si Remonde kay Pangulong Arroyo. Hinangaan din ng NPC si Remonde sa pagmamahal at pagtatanggol nito sa press freedom.
Bago hinirang ni Pangulong Arroyo ang 51-anyos na si Remonde bilang press secretary ay naglingkod muna ito bilang hepe ng Presidential Management Staff (PMS), naging pinuno din siya ng Radio-TV Malacanang, namahala din sa RPN-Channel 9 at nagsilbi din munang Press Undersecretary.
Kilala si Remonde sa pagiging mabait, mapagkumbaba sa kabila ng posisyon at maka-Diyos lalo pa’t deboto ito ng Señor Sto. Niño.