MANILA, Philippines - Ipinanukala kahapon ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na bawasan ang pork barrel fund o priority development assistance fund ng mga senador at kongresista na laging absent sa session.
Pinuna ni Zubiri na laging problema ang quorum sa dalawang kapulungan ng Kongreso dahil maraming mambabatas ang hindi dumadalo sa sesyon. Upang hindi anya maging problema ang quorum bago matapos ang sesyon ng 14th Congress, ipapanukala niya ang pagtapyas sa pork barrel at allowance ng mga mambabatas.
Samantala, pinababantayan ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. ang babawasing pondo ng Malacañang sa PDAF ng mga mambabatas mula sa P1.51 trilyong panukalang 2010 budget.
Ayon pa kay Pimentel, dapat bantayan kung saan gagamitin ni Pangulong Gloria Arroyo ang pondong balak kaltasin sa pork barrel ng mga mambabatas lalo pa’t nalalapit na ang eleksiyon.
Posible aniyang magastos sa pangangampanya ang tatanggaling pondo sa PDAF ng mga mambabatas. (Malou Escudero)