MANILA, Philippines - Namumroblema umano ang Commission on Elections kung paano nila mapaiikli ang balota na gagamitin para sa kauna-unahang automated elections sa bansa.
Ayon kay Comelec spokesman James Arthur Jimenez, pinag-aaralan nila kung paano mapagdidikit-dikit ang napakaraming mga pangalan ng mga
kandidatong kalahok sa halalan sa Mayo 10.
Sinabi ni Jimenez na sa ngayon ay umaabot sa 2.5 talampakan ang haba ng balota na gagamitin nila sa eleksyon dahil sa napakaraming kandidato na tatakbo sa automated polls, partikular na ang mga party-list groups na umaabot sa 144.
Isa aniya sa pinag-aaralan nilang paraan ay ang paggamit ng acronyms o paglalagay ng numerong katumbas ng mga pangalan.
Ayon kay Jimenez, maliban sa 144 na pangalan ng party-list groups, kabilang pa sa mga ilalagay sa balota ang mga pangalan ng 10 presidential bets, walong vice presidential candidates, at 62 senatoriables.