MANILA, Philippines - Hindi pa muna maaring ipatupad ng Land Transportation Office (LTO) ang Radio Frequency Identification Device (RFID).
Bagamat hindi pinagbigyan ng Korte Suprema ang kahilingan ng mga transport group na magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) nag-isyu naman ng status quo ante order ang Mataas na Hukuman laban dito.
Nangangahulugan ito na dapat na maibalik sa dating sitwasyon bago maihain ang petition ng PISTON, Anakpawis at Bayan.
Binigyan naman ng Korte Suprema ang Department of Transportation and Communications (DOTC) ng 10 araw upang makapaghain ng motion to intervene o komento.
Nilinaw ni Atty. Midas Marquez na hindi muna maaring ipatupad ang RFID hanggang walang abiso ang Korte Suprema.
Matatandaan na naghain ng petition sa Korte Suprema ang Piston, Anakpawis at Bayan upang ideklarang labag sa batas ang RFID. (Gemma Amargo-Garcia)