MANILA, Philippines - Umaabot na sa 48 katao ang nahuhuling lumabag sa gun ban sa nagdaang unang 24 na oras na pagpapatupad nito.
Sinabi ni Philippine National Police Director for Operations Andres Caro II na kabilang sa mga nadakip ang limang pulis, apat na sundalo, tatlong opisyal ng pamahalaan at 36 na sibilyan.
Naharang sila sa iba’t ibang checkpoints na itinatag ng PNP, Armed For ces of the Philippines at Commission on Elections alinsunod sa binuong Joint Security Control Centers.
Ang gun ban o pagbabawal sa pagbibitbit ng baril ay nagsimula noong Enero 10 ng taong ito at magtatapos sa darating na Hunyo 10, 2010.
Inihayag ng opisyal na aabot sa 988 checkpoints ang itinatag sa mga istratehikong lugar sa buong bansa para sa implementasyon ng gun ban sa panahon ng halalan.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang 47 sari-saring mga armas na kinabibilangan ng 22 matataas na kalibre ng baril at 28 mababang uri ng kalibre ng baril, tatlong patalim at isang granada.
Kaugnay nito, sinabi kahapon ng hepe ng law department ng Comelec na si Atty. Ferdinand Rafanan na hindi nila papayagang malibre sa gun ban ang mga mamamahayag.
Sinabi ni Rafanan na hindi naman kasama ang mga miyembro ng media sa listahan ng mga maaaring ma-exempt sa total gun ban.
Dahil dito, pinayuhan pa ni Rafanan ang mga media groups at practitioners na sa halip na igiit na ma-exempt sila sa gun ban ay humingi na lamang ng tulong sa PNP para mabigyan sila ng seguridad, kung sa tingin nila ay may banta sa kanilang buhay at seguridad.
Ipinaliwanag ni Rafanan na ang exempted lamang sa ban ay ang mga pulis, sundalo, ahente ng National Bureau of Investigation at mga miyemrbo ng Citizens Armed Forces Geographical Unit. (Joy Cantos at Mer Layson)