MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ni Senator Richard Gordon na kumuha na siya ng mga abogadong hahawak ng kaso ng pamilya ng mga biktima ng lumubog na M/V Baleno 9 at maipagharap ng kaso ang may-ari ng barko at makatanggap ng mga benipisyo sa mga namatay sa sakuna.
Sinabi ni Gordon na siyang pinuno ng Philippine National Red Cross na malaking bilang ng mga pamilya ng biktima ang nagtungo sa kanyang tanggapan at humingi ng tulong na makakuha ng kaukalang bayad-pinsala mula sa Besta Shipping Lines na siyang may-ari ng lumubog na M/V Baleno 9.
Sa Kapihan sa Manila Hotel news forum, idiniin ni Gordon na ang mga kinuha niyang abogado ay magha harap ng kasong sibil laban sa Besta Shipping Lines at sa may-ari nito upang matulungan ang mga kaanak ng biktima na makakuha ng kaukulang benipisyo sa insurance at ibang bayad pinsala.
Ayon kay Gordon, ang bawat pamilya ay may karapatang tumanggap ng P200,000 sa insurance money bagaman ang makakakuha lamang ng benipisyo ay ang mga nasa listahan lamang ng manipesto ng mga pasahero.
Sa manipesto ng pasahero ng lumubog na barko ay may 20 lamang pangalan ang naitala na taliwas sa manipesto naman na isinumite sa Philippine Coast Guard na may 120 pasahero rito.
Gayunman, inihayag ng PNRC na may 132 katao ang sakay ng M/V Baleno 9 nang itoy lumubog sa gitna ng karagatan ng Calapan City at Batangas Port noong Disyembre 26. (Malou Escudero)