Paputok okay lang sa parak
MANILA, Philippines - Papayagan ng Philippine National Police ang mga opisyal at tauhan nito na magpaputok ng mga rebentador sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa bilang reaksyon sa memorandum ng Department of Health na nagbabawal sa lahat ng mga empleyado nito at mga health workers na magpaputok ng rebentador at iba pang uri ng mga paputok sa pagsalubong sa pagpapalit ng taon sa Disyembre 31 ng hatinggabi.
Ikinatwiran ni Verzosa na gaya ng mga ordinaryong mamamayan ay may karapatan rin ang mga pulis na maramdaman ang kasiyahan sa nakagawiang tradisyon sa pagsalubong sa Bagong Taon. Gayunman, nilinaw naman ni Verzosa na walang masama kung magpaputok rin ng mga rebentador ang mga pulis basta ilagay lamang ito sa lugar tulad ng mga itinalagang ‘fire cracker zone area’ at huwag gagamit ng mga ipinagbabawal na paputok.
Gayundin, kailangang isagawa ang mga ‘safety measures’ upang tiyakin na walang madidisgrasyang mga sibilyan.
Idiniin pa ni Vezosa na nanatiling bawal ang pagpapaputok ng baril ng mga pulis sa pagsalubong sa Bagong Taon. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending