MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs na isang Filipino seaman ang nasawi habang 13 pa niyang kababayan ang nasagip nang tumaob ang kanilang sinasakyang barko sa karagatang sakop ng Tripoli, Lebanon sa kasagsagan ng masamang lagay ng panahon dito nitong nakalipas na linggo.
Ayon sa DFA, bukod sa mga nailigtas, pito pang seaman na Pilipino ang nawawala at pinaniniwalaang tinangay ng malalakas na alon at nalunod sa karagatan matapos bumaligtad ang Panamanian-flagged ship Danny F II sa Tripoli coast noong Disyembre 17 dahil sa pagtama ng malakas na bagyo sa Lebanon.
Sa report ni Charge d’ Affaires Pendosina Lomondot ng Embahada ng Pilipinas sa Beirut sa DFA, ang mga nailigtas na Pilipino ay kinilalang sina Danilo Policarpio, Wilson Vicente, Lezer Gepulgani, Micheal Olivia, Edgardo Pucan, Jonathan Rada, Rafael Tarroza, Erasmo Galanza, Leolen Babao, Rogelio Dequina, Joebert Benoman, Jowey Quinto at Jason Magsino.
Pansamantala namang hindi tinukoy ng DFA ang pangalan ng nasawi at pito pang pinaghahanap.
Umalis ang Danny F II sa Montevideo sa Uruguay noong Nobyembre 23 na may kargang 10,224 tupa at 17,932 baka nang maaksidente. (Ellen Fernando)