RFID pinababasura sa Korte Suprema
MANILA, Philippines - Nagsampa kahapon ng umaga ng petition for certiorari at prohibition ang militanteng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston), Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela sa Korte Suprema para magpalabas ito ng temporary restraining order o ibasura na lamang ang Radio Frequency Identification Device (RFID) Project ng Land Transportation Office.
Ang mga nagsampa ng petisyon ay sina Bayan Muna Representatives Satur Ocampo at Teddy Casino, gayundin sina Piston Secretary General Goerge San Mateo, Anak pawis Rep. Joel Maglunsod at Gabriela womens partylist Liza Maza kung saan ang respondent sa petisyon ay sina DOTC Secretary Leandro Mendoza, LTO Chief Arturo Lomibao at Stradcom.
Nakasaad sa petisyon ng mga nabanggit na magpalabas ng TRO ang Korte Suprema o ibasura na lamang ang RFID dahil kailangan pa ng isang batas para maipatupad ito.
Binigyang diin pa ni Ocampo na gagawin nila ang lahat ng hakbang upang huwag maipatupad ang RFID dahil wala naman itong maitutulong sa taumbayan.
Sinabi din ng mga petitioners na illegal at walang bidding ang RFID project bukod sa wala ito sa Transportation Laws kayat hindi maaaring maipatupad ang naturang proyekto.
Una nang nirereklamo ng ibat ibang sektor particular ng Piston ang RFId dahil bukod sa money making lamang umano at walang kumpiyansa na mawawalis nito ang car smuggling, colorum at out of line vehicles. (Doris Franche)
- Latest
- Trending