MANILA, Philippines - Hinikayat ng United Transport Koalisyon party-list si Pangulong Arroyo na ayudahan ang pagpapatupad ng Radio Frequency Identification program ng Land Transportation Office upang masawata ang paglipana ng mga sasakyang kolorum at matigil na ang korapsyon sa hanay ng transportasyon.
Sa transport conference sa Clark Field, Angeles na dinaluhan ng mga transport organizations, isang manifesto ang nilagdaan upang ipatupad sa lalong madaling panahon ang RFID.
Ayon kay 1UTAK party list Rep. Atty. Vigor Mendoza, hindi lang mga kolorum na sasakyan at kotongan sa RFID ang masusugpo. Mapapabilis din nito ang operasyon ng mga registration ng mga pampubliko at pribadong sasakyan dahil gagamit ang LTO at LTFRB ng makabagong electronic interconnection system na nakakabit sa data base ng LTO at LTFRB.
Idiniin ni Mendoza na ang LTO’s RFID project ay ang nakikita nilang solusyon sa suliranin ng transport sector at magiging sandata din ng LTO at LTFRB para sa pagpapabilis ng mga registration, confirmation ng mga motor vehicles na hindi na kailangan ng marami pang pagdadaanan na proseso. (Butch Quejada)