Impormante, inako ng PDEA
MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang isang lalaking nahuli sa Pateros na may dalang “computer printout” copies ng isang-libong piso ay isang undercover PDEA informant.
Ayon kay Major Ferdinand Marcelino, director ng PDEA Special Enforcement Service (SES), ang informant ay aktibong tumutulong sa pang-araw-araw na operasyon ng PDEA.
Nilinaw ni Marcelino na ang informant ay aktuwal na nagsasagawa ng surveillance operation at sinusundan niya mula Taguig City ang isang suspect na illegal drugs dealer nang siya ay sitahin ng mga pulis sa Pateros cockpit arena noong Martes.
Tumutulong ang PDEA sa anti-drugs task force ng tanggapan ni Mayor Freddie Tiñga at Taguig PNP unit.
Sinabi pa ni Marcelino na isa pang informant ang naroon at may dala-dalang surveillance gadgets ngunit minabuti niyon na umalis upang hindi mabunyag ang PDEA covert operation.
Ipinaliwanag pa ng PDEA official na ang computer printouts o mga kopya ng one-thousand peso bill ay ginagamit lamang na “show money” sa pakikipag-dealing sa mga drug suspects.
Ang “low-quality resolution printouts” na nasa ordinary bond papers ay hindi nakalaang gamitin sa anumang komersiyal na transaksiyon, ani Marcelino.
Dapat maunawaan na may pag-aatubili ang informant na ibunyag ang mga bagay-bagay ukol sa covert operations ng PDEA.
Nakiusap si Marcelino na bigyang konsiderasyon ang informant na isang matuwid na mamamayan na malaki ang naisakripisyo para makatulong sugpuin ang paglaganap ng illegal drugs.
Ang impormante ay siyang sole breadwinner at ama ng tatlong maliliit na bata. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending