Mag-aaral na Pinoy umaasenso sa English
MANILA, Philippines - Ipinagmalaki kamakailan ng Department of Education ang pag-unlad umano ng mga estudyanteng Pinoy sa pagsasalita at pagbabasa ng English sa loob ng limang taong monitoring nila.
Sinabi ni DepEd Secretary Jesli Lapus na malaki ang iniunlad ng mga mag-aaral sa kanilang National Achievement Test (NAT) lalo na sa araling English.
Sa kanilang tala sa mga mag-aaral mula Grade 6 sa 1,898 elementarya na “low performing schools” nitong 2007-2008, may 79% o 1,453 sa mga ito ang umasenso mula “low mastery patungo sa average mastery” sa elementarya. Sa High School, may 82% o 215 sa 265 low performing high schools naman ang umakyat mula “low mastery sa average mastery” sa English.
Ang naturang pag-asenso sa mastery sa English ng mga mag-aaral na Filipino ay dulot umano ng mga programa ng DepEd tulad ng Project TURN o (Turning Around Low Performance in English) kung saan tuluy-tuloy ang pagsasanay ng mga guro sa English mula 2007.
Sinabi ni Lapus na malaking tulong sa ekonomiya ng bansa ang kalamangan sa pagsasalita at pagsusulat ng mga Filipino ng wikang English pagdating sa pagkuha ng trabaho sa abroad at sa iba pang internasyunal na kumpanya sa bansa. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending