MANILA, Philippines - Pinag-iingat ni Senador Bong Revilla ang publiko na magbibiyahe ngayong Undas laban sa mga tinatawag na “rolling, floating at flying coffins”.
Ayon kay Revilla, dapat tiyakin ng mga ahensiya ng gobyerno ang kaligtasan ng mga pampublikong sasakyan na maghahatid sa mga tao na bibiyahe para umuwi sa kani-kanilang mga probinsiya para gunitain ng Undas, dahil nagiging mapagsamantala ang ilang mga transport companies dahil sa dami ng mga pasahero.
“Kung kinakailangan ay isusulong ko ang kanselasyon ng prangkisa ng mga awtorisadong public transportation companies na mapapatunayang lumabag sa mga alintuntunin. Hindi natin kailangan ng mga rolling coffins, floating coffins, at flying coffins ngayong Undas,” ani Revilla.
Kaya naman inatasan ni Revilla ang Philippine National Police at Department of Transportation and Communication na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga biyahero at paigtingin ang kampanya laban sa mga colorum buses.
Binalaan din ni Revilla ang mga publiko na huwag maging matigas ang ulo at di dapat sumakay sa mga barko o anumang sasakyan kung ito ay overloaded para makaiwas sa aksidente.(Malou Escudero)