MANILA, Philippines - Tuluyan ng nagbitiw sa kanyang puwesto bilang Presidential Peace Adviser si Secretary Avelino Razon upang paghandaan ang kanyang planong pagtakbo bilang alkalde ng Maynila sa nalalapit na 2010 elections.
Ayon kay Sec. Razon, tinanggap ni Pangulong Arroyo ang kanyang pagbibitiw bilang pinuno ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP).
Magkakaroon ngayong umaga ng simpleng turn-over ceremony na gagawin sa OPAPP office sa Orti gas, Pasig. Si Usec. Nabil Tan ang magsisilbing OIC.
Bago ang pagtatalaga sa kanya bilang presidential peace adviser, si Razon ay naging hepe ng Philippine National Police at Western Police District, na ngayon ay Manila Police District.
Sa loob ng siyam na buwan, si Razon ay naging presidential peace adviser, kung saan ginampanan nito ang ilang mga usapin ng gobyerno laban sa mga rebelde; ang pagbabalik ng GRP-MILF talks kung saan idinedeklara ang suspension of offensive military operations at ang pagbubuo ng International Contact Group (ICG).
Ayon kay Razon, ang kanyang pagtakbo ay upang mas matutukan ang pangangailangan ng mga Manilenyo at ang pagpapaunlad ng mga buhay nito. (Doris Franche/Rudy Andal)