MANILA, Philippines - Gagamitin umano ng administrasyon at mga kaalyadong kongresista ang tumamang kalamidad para maaprubahan ang nakabinbing panukalang buwisan ang text messages sa Kongreso.
Nitong nakaraang Martes, sinabi ng House committee on ways and means na nirerekonsidera nila ngayon ang pagpasa ng bagong uri ng buwis sa text kung saan pinapaboran ang fixed rate na P.80 singil kada text, 10% o 8 sentimo nito ay mapupunta sa buwis o “ad valorem tax”.
Pinalitan ng bagong panukala ang naunang bill na nagpapataw ng P.05 na buwis sa text na isinantabi muna ng mga mambabatas dahil sa kabi-kabilang batikos ng iba’t ibang grupo.
Mapupunta umano ang makokolektang bu-wis sa pagpondo sa P10 bilyong panukalang “supplemental budget” para sa mga biktma ng bagyong Ondoy at rehabilitasyon ng iba pang mga apektadong lugar.
Pinagsabihan ni Makati Mayor Jejomary Binay ang mga mambabatas na huwag gamitin ang mga natural na kalamidad para bigyang hustisya ang pagpapasa ng panukalang batas na hi-git na magpapahirap sa taumbayan.
Kahit anong formula umano ang likhain ng mga mambabatas, magreresulta pa rin ito ng mas mataas na singil sa text dahil ipapasa ng mga “service provider” ang buwis sa kanilang mil-yon-milyong subscri-bers.
Dahil sa pagtutulak ng panukala, maaari umanong maniwala ang taumbayan na wala na talagang pera ang pamahalaan na laan para sa kalamidad dahil maging mga padalang donasyon buhat sa ibayong dagat ay pinapatawan pa rin ng buwis sa ilalim umano ng “Tariffs and Customs Code”. (Danilo Garcia)