100,000 residente sa Laguna Lake pinalilikas na
MANILA, Philippines - Pinalilikas na ang may 100,000 residente na naninirahan malapit sa Laguna Lake kaugnay ng nakaambang malakas na hagupit at mga pag-ulan ni supertyphoon Pepeng.
Sa press briefing kahapon sa National Disaster Coordinating Council (NDCC) sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Laguna Lake Development Authority (LLDA) General Manager Ed Manda, ipatutupad ang ‘force evacuation‘ sa lugar kung tatangging lumikas ang mga residente sa palibot ng Laguna Lake.
Ayon kay Manda, sa kasalukuyan ay nasa 14.5 metro na ang level o taas ng tubig sa Lawa na inaasahang magdudulot ng matitindi pang mga pagbaha sa paghagupit ni Pepeng.
Sinabi ni Manda na tumaas ang tubig sa Laguna Lake ng 1.2 metro dahil sa dalang ulan ng bagyong Ondoy.
Aniya, ang average na taas ng tubig sa Laguna Lake ay nasa .28 metro lamang kada buwan pero sobra-sobra na ito sa hagupit ni Ondoy.
Sinabi ni Manda na nahihirapang makarating ang tubig sa Laguna Lake sa Laguna de Bay dahilan sa mga baradong daanan nito.
Ayon kay Manda ang pinakamataas na level ng tubig sa lake ay nasa 14.5 metro na naitala noong 1919. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending