MANILA, Philippines - Magbibigay din ng “calamity loans” ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa pamilya ng kanilang mga miyembro na naapektuhan ng nakaraang bagyong Ondoy.
Ayon kay OWWA Administrator Carmelita Dimzon, aabot ng P10,000 ang maaaring utangin ng mga kuwalipikadong miyembro kung saan tinanggal na nila ang interes nito.
Babayaran ang pautang sa loob ng 24 buwan o 2 taon ngunit may “grace period” ito na 120 araw makaraang mailabas ang loan.
Kuwalipikado sa naturang loan ang isang aktibong OWWA member, sertipikasyon buhat sa lokal na opisyal na biktima ito ng kalamidad, at isang promissory note o affidavit of undertaking mula sa isang OFW.
Maaaring kumontak ang mga nagnanais na mag-loan sa OWWA sa pinakamalapit na regional office o tumawag sa kanilang operations center sa 0917-8986992 at 551-1560. (Danilo Garcia)