MANILA, Philippines - Ganap ng isang bagyo ang isang active low-pressure area (ALPA) na namataan sa silangan ng Luzon.
Ayon sa PAGASA ang bagyo na pinangalanang Ondoy ay namataan kahapon ng umaga sa layong 480 kilometro ng silangan ng Virac, Catanduanes o 680 kilometro silangan timog silangan ng Casiguran, Aurora province.
Taglay ni Ondoy ang lakas ng hanging 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at patuloy ang pagkilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 11 kilometro bawat oras. Si Ondoy ay inaasahang lalawak dulot ng habagat at magdadala ng mga pag-uulan sa buong Central at Southern Luzon gayundin sa Visayas.
Si Ondoy ay ika-15 bagyo na na pumasok sa bansa ngayong taon. (Angie dela Cruz)