MANILA, Philippines - Ilang araw matapos na magdeklara si Senador Noynoy Aquino na tatakbo na siya sa pagka-Pangulo sa 2010 sa ilalim ng Liberal Party (LP), inihayag naman ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr, na malaki ang posibilidad na magkaroon ng “Cojuangco-Cojuangco fight”, sa kabila na hindi pa ito opisyal na pambato ng Lakas-Kampi-CMD.
Ayon naman sa ilang political expert, bagaman inaasahang magiging magandang laban kung magsasagupa sa 2010 ang magpinsan, malaki naman anya ang pagkakaiba ng dalawa dahil ginagamit ni Gibo ang isyu ng giyera sa Mindanao para tumakbo bilang presidente habang si Noynoy naman ay tinutulak ng publiko na tumakbo bilang pangulo.
At dahil sa pagiging Cojuangco rin niya sa ‘surname’, pakiramdam umano ni Gibo ay karapat-dapat siya sa titulong Pangulo ng bansa, at makumbinsi ang mga miyembro at lider ng Lakas-Kampi na gawin siyang ‘standard-bearer.’
Bagamat nasa Lakas-Kampi-CMD umano ito, nag-aalinlangan naman at nagkakaroon ng suspetsa ang mga miyembro kung magiging ‘loyal’ sa partido o magiging karapat-dapat ba si Gibo sa nominasyon.
Si Gibo din umano ang lumabas na pinakamababa sa survey kumpara sa ibang mga presidentiables gaya nina Vice President Noli de Castro at MMDA Chairman Bayani Fernando. (Butch Quejada)