MANILA, Philippines - Umaabot na sa mahigit 9,000 aksidente sa lansangan ang naitala ng PNP-Highway Patrol Group sa unang tatlong buwan pa lamang ng taong ito.
Ayon kay PNP- HPG Director Chief Supt. Orlando Mabutas, mula Enero hanggang Marso, umabot sa 9,279 ang aksidente ng mga sasakyan at kadalasang nasa impluwensya ng alak habang ang iba ay nagte-text sa pagmamaneho at mga inaantok na nagbubunsod sa trahedya.
Karamihan ay kinasangkutan ng mga kotse na nasa 3, 698 ang bilang. Nasa 2,529 naman ang kinasangkutan ng mga motorsiklo habang 991 ang bus kung saan, ang dalawang pinakahuling insidente ay naganap sa Lucena City, Quezon na ikinamatay ng siyam na katao at pagkasugat ng 41 iba pa. (Joy Cantos)