MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Pinky Aquino-Abellada, anak ni dating Senator Benigno Aquino, Jr. at dating Pa ngulong Cory Aquino ang sambayanang Pilipino na tiyakin na katulad ng pag-uugali ng kanyang mga magulang ang pipiliin nilang susunod na lider ng bansa.
Sa isang simpleng wreath-laying ceremony na ginanap kahapon kasabay ng ika-26 death anniversary ni Ninoy sa monument nito sa Bonifacio Drive, Roxas Blvd., sinabi ni Abellada na dapat umanong taglay ng isang kandidatong tatakbo sa pagkapangulo ng bansa ang mga “characteristic” ng kanyang mga magulang.
“Kung meron man na dapat makuhang aral ang mga Pilipino mula sa mga magulang namin, ay ‘yun yung pagmamahalan nila sa isa’t isa. Dahil sa pagmamahal nila sa bawat isa ay nagresulta ito upang ipagpatuloy ng aking Ina ang adhikain ng aking Ama nung siya ay mamatay,” ani Abellada.
Sinabi pa ni Abellada na mahal ng kanyang mga magulang ang bawa’t Pilipino, kaya dapat na tularan ang ipinakita nilang pagmamahal sa isa’t isa at sa bayan.
Kasabay nito, dakong alas-4 ng hapon nang umpisahan ng Ninoy Aquino Foundation ang programa para sa paggunita sa kabayanihan ni Ninoy sa Paseo de Roxas sa Makati City kung saan nakatirik ang rebulto ng bayani. Inumpisahan ito sa pamamagitan ng mga “cultural presentation” at sinundan naman ng isang “ecumenical mass” habang nag-alay naman ng bulaklak ang mga naulila ng mag-asawang Aquino.
Muli namang narinig ang awiting “Tie a Yellow Ribbon” na sinabayan ng pagsayaw ng mga dumalo sa naturang pagtitipon. (Doris Franche/Danilo Garcia)