MANILA, Philippines - Pinayuhan kahapon ni Senador Jose “Jinggoy” Estrada ang lider ng El Shaddai na si Brother Mike Velarde na huwag nang makihalo sa halalang pampanguluhan sa susunod na taon.
Sinabi ni Estrada na, sa halip na kumandidatong presidente, dapat tumulong na lang si Velarde sa ibang mga kakandidatong pangulo ng bansa.
“Karapatan niyang kumandidatong presidente. Pero, sa sarili kong opinyon, sana tumulong na lang siya sa mga kandidatong alam niyang makakapaglingkod sa ating bansa,” sabi ng senador na ang ama na si dating Pangulong Joseph Estrada ay isa sa mga may intensyong lumaban sa halalang pampanguluhan.
Inamin ni Estrada na dapat magkaisa na lamang ang mga nagbabalak tumakbong presidente sa ticket ng oposisyon upang masigurado ang panalo at hindi makalusot ang kandidato ng administrasyon.
Idinagdag ni Estrada na maituturing din na banta sa mga kakandidatong presidente si Velarde kapag tumakbo ito sa pagkapangulo.
Pinayuhan rin kahapon ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Commission on Public Affairs at Caloocan Bishop Deogracias Iniguez si Velarde na suriin munang mabuti ang sarili bago tuluyang magdesisyon na sumabak sa presidential elections. (Malou Escudero at Mer Layson)