Drug case ni Tinga umakyat sa korte
MANILA, Philippines - Umakyat na sa korte ang kasong drug pushing laban sa isang miyembro ng “Tinga Drug Syndicate” na nadakip kamakailan sa isang buy-bust operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Angency sa Lower Bicutan, Taguig City.
Sa resolusyong ipinalabas ng City Prosecutor’s Office, sinasabing may sapat na ebidensiya para umakyat sa korte ang kaso ni Joel Tinga na naaresto noong June 22, 2009. Ang kaso ni Joel ay hawak na ngayon ni Judge Roel Villanueva ng Taguig Regional Trial Court.
Si Joel ay sinasabing pang anim na sa mga miyembro ng “Tinga Drug Syndicate” na nadakip ng mga awtoridad dahil sa pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.
Bukod kay Joel ay una na ring nadakip ng mga awtoridad ang lima pang miyembro ng “Tinga Drug Syndicate” na sina Fernando, Allan Carlos, Alberto, Bernardo at Hector, pawang may apelyidong Tinga.
Ang bayan ng Taguig ay itinuturing ng Philippine National Police (PNP) na isa sa “hot spot” sa talamak na bentahan ng droga sa Metro Manila. Sinasabing kung sa Pasig ay may “shabu tiangge” ng mga Boratong ay may “sari-sari store” naman ang mga Tinga. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending