Presyo ng tinapay 'di na tataas
MANILA, Philippines - Wala ng dapat pang ipangamba ang publiko dahil iniatras na ng Philippine Association of Flour Millers (PAFM) ang planong pagtataas ng harina kaya hindi na rin tataas ang presyo ng tinapay.
Sinabi ni PAFM Executive Director Ric Pinca, hindi na ipapataw ang P20 na dagdag sa kada sako ng harina dahil tiniyak na ng Department of Trade and Industry na iiral pa rin ang Executive Order 765 ni Pangulong Gloria Arroyo na nagbabasura sa 3% taripa sa kada sako ng trigo na kanilang inaangkat.
Bunsod nito’y hindi na makakapaningil ng 3% taripa ang Bureau of Customs na ikinagalak naman ng PAFM at Philippine Bakers Association dahil hindi na rin nila kailangan na magtaas ng presyo ng tinapay bagama’t tumaas ang presyo ng Liquified Petroleum Gas na ginagamit sa pagluluto ng tinapay.
Ayon naman kay PBA Vice President Chito Chavez, handa na silang balikatin ang ginawang pagtaas ng LPG para sa kanilang mga consumers. Aniya, hindi sila agad nakakapagtaas ng presyo ng tinapay dahil na rin sa pangambang wala ng tumangkilik dito dahil maraming alternatibng pagkain bukod sa tinapay. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending