'Food for School' ng DepEd giit ituloy
MANILA, Philippines - Hinikayat kahapon ng isang bagong grupo na ku makatawan sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan ang lahat ng estudyante na makiisa sa kanilang “signature campaign” upang igiit sa Department of Education (DepEd) na muling buhayin ang “Food For School Program” makaraang kanselahin ito ni Secretary Jesli Lapus.
Sinabi ni Rene Hernandez, tagapangulo ng Karapatan at Kinabukasan ng mga Kabataan (KKK), na ang mga batang mag-aaral na nagugutom ang labis na naapektuhan ng kanselasyon ng programa dahil sa paninira umano sa DepEd ng natalong bidder para sa suplay ng noodles na naghayag sa media na nagkaroon ng “overpricing” at dayaan sa bidding.
Matatandaan na unang lumutang sa media ang kinatawan ng Kolonwel Trading na nagreklamo ng “overpricing” sa ipapakain sanang noodles ng DepEd sa mga mahihirap at nagugutom na mag-aaral hanggang sa magsampa rin kamakailan ng kasong graft sa Office of the Ombudsman laban kay Lapus at sa pamunuan ng nanalong bidder na Jeverps Manufacturing Corporation.
Dahil sa kontrobersya, kinansela na ni Lapus ang “Food Feeding Program” kung saan nakikinabang ang daan-libong mahihirap na mag-aaral.
Iginiit naman ng KKK na hindi naman si Lapus ang apektado ng kanselasyon ng programang pagpapakain kundi ang mga batang nagugutom na nahihirapang mag-aral ng maayos kapag walang laman ang tiyan lalo na sa mga mahihirap na probinsya at slum areas.
Dahil dito, hinikayat nito ang lahat ng mag-aaral at mga magulang na magpadala ng kanilang pagsuporta at ilagay ang kanilang pangalan sa kanilang “signature campaign” sa pamamagitan ng e-mail sa: [email protected]. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending