2 Pinoy sa UAE kalaboso sa pag-inom ng alak
MANILA, Philippines – Binalaan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga OFWs sa United Arab Emirates (UAE) laban sa labis na pag-inom ng alak upang makaiwas na masangkot sa gulo at mawalan ng trabaho.
Ang babala ay kasunod ng ulat na dalawang mang gagawang Pinoy ang hinatulang mabilanggo ng dalawang buwan dahil sa pag-inom ng alak.
Nabatid na ang pag-inom ng alak ang karaniwang nagiging dahilan kung bakit inaaresto at nakukulong ang mga Pinoy sa Middle East.
Ayon kay Philippine Consul General Benito Valeriano, ang dalawang Pinoy na di pinangalanan ay nahuling nag-iinuman sa labas ng kanilang tinutuluyan sa Sharjah, UAE.
Aniya, bagamat batid niyang nagkakatuwaan lamang ang mga ito sa pag-inom ng alak, hindi pa rin nila ito dapat gawin dahil ito’y ipinagbabawal sa UAE, at itinuturing na isang krimen.
Maliban kasi aniya sa pagkaaresto at pagkakadetine, maaari ring mawalan ng trabaho ang dayuhang mahuhuling umiinom ng alak, dahil maaari itong kaagad na ipa-deport matapos na mapagsilbihan ang kanyang sentensiya. (Mer Layson)
- Latest
- Trending






















