San Beda nadale na rin ng A(H1N1)
MANILA, Philippines - Suspindido na rin ang klase sa San Beda College sa Mendiola, Maynila bunsod ng A(H1N1) na nagresulta ng pag-akyat sa 20 ang bilang ng mga paaralang apektado ng nasabing influenza virus.
Noong Biyernes sinimulan ang suspensiyon ng klase na magtatagal ng isang linggo matapos ang kumpirmasyon na isang mag-aaral nito ang positibo na rin sa virus. Inaasahang babalik ang klase sa Hunyo 28.
Ang San Beda ay ilang metro lamang ang layo mula sa Palasyo ng Malakanyang.
Lumilitaw na isang lalaking atleta umano ng San Beda, na tumutuloy sa isa sa mga dormitoryo sa campus ang nagkaroon ng A(H1N1) infection.
Nabatid na inatasan na rin ni San Beda president Father Mateo de Jesus ang mga propesor ng paaralan na makipag-ugnayan sa kanilang mga estudyante at ipagpatuloy ang kanilang aralin sa pamamagitan ng internet habang suspendido ang kanilang klase.
- Latest
- Trending