Banggaan ng US warship at submarine ng China 'di sa teritoryo ng Pinas - Navy
MANILA, Philippines - Hindi saklaw ng teritoryo ng Pilipinas ang napaulat na banggaan umano ng warship na US Destroyer ng Estados Unidos at ng submarine ng China.
Ito ang ginawang paglilinaw kahapon ng Philippine Navy matapos na mapaulat na nabangga ng submarine ng China ang US destroyer habang naglalayag ito sa karagatan kahapon.
Sinabi ni Marine Lt. Col. Edgard Arevalo, Navy spokesman, na wala silang natatanggap na report sa nasabing pangyayari na una nang iniulat sa Cable News Network o CNN.
Nabangga umano ng Chinese submarine ang sonar radar array ng USS John Mccain na isang US warship sa karagatang sakop ng Subic, Zambales bunsod upang mawasak ito.
Inihayag ni Arevalo na ayon mismo kay Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Ferdinand Golez, walang dayuhang sasakyang pandagat lalo na ang mga tulad ng submarine o di kaya’y mga warship ng ibang bansa maging ito man ay kaalyado, ang maaring makapasok sa karagatang sakop ng Pilipinas nang walang pahintulot mula sa gobyerno.
Ayon sa opisyal, posibleng naganap umano ang banggan ng US Destroyer na John Mcain at ng Chinese submarine daan- daang kilometro ang layo mula sa baybayin ng Pilipinas at ginamit lamang ang Subic Bay sa lalawigan ng Zambales bilang reference point sa nasabing ulat.
Idinagdag pa ni Arevalo na kung may naganap mang banggaan ay nakatitiyak ang Philippine Navy na hindi ito saklaw ng karagatang nasasakop ng Pilipinas dahil milya-milya ang layo ng mga naglalayag na dayuhang barko sa teritoryo ng bansa. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending