Mancao darating ngayon
MANILA, Philippines - Tiniyak ng Department of Justice na magiging mahigpit ang seguridad para kay dating Sr. Supt. Cesar Mancao na inaasa hang darating ngayong araw.
Una ng hiniling kay Justice Secretary Raul Gonzalez ng abogado ni Mancao na bigyan ito ng bullet proof vest pagdating sa bansa na agad na inaprubahan ng National Bureau of Investigation. Ito aniya, ay dahil sa maraming pulitiko, malalaking personalidad at opisyal ng gobyerno ang posibleng madawit sa oras na ibunyag na nito ang nalalaman sa Dacer-Corbito murder case.
Bibigyan din si Mancao ng close-in securities na magbabantay sa kanya 24-oras bukod pa ang regular na bantay mula sa NBI.
Pinagbawalan ni Manila International Airport Authority-Assistant General Manager For Security Services Ret. General Angel Atutubo ang mga kagawad ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines, PNP-Aviation Security Group, Airport Police Department, Bureau of Immigration at NBI na siyang sasalubong kay Mancao, na magpasok ng baril sa loob ng paliparan at tanging ang mga security personnel na nakatalaga lang dito ang papayagan na magdala ng armas.
Si Mancao ay darating alas-5:55 ng madaling araw sakay ng Philippine Airlines flight PR-103 sa NAIA Centennial Terminal 2 mula Los Angeles, California at eeskortan ng mga opisyal ng NBI na sina Attys. Ric Diaz at Claudio de Castro.
Ang nasabing dating opisyal ay nakakadena pa ang paa ng dalhin ng dalawang US Marshals sa Los Angeles International Airport mula sa Lauderdale, Florida para iturn-over sa nag-aantabay na sina Diaz at de Castro kahapon at agad itong dadalhin sa tanggapan ng NBI-Interpol Division sa Manila para sa ilang pagtatanong.
Pinayagan ng US court na ma-extradite sa Pilipinas si Mancao sa kondisyon ng dating opisyal na hindi siya gagawing akusado sa naturang kaso bagkus nagpahayag na magsisilbi siyang testigo sa brutal na pagpatay kina Public Relations man Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.
Si Mancao ay pinaniniwalaang may malaking partisipasyon sa pagkakapatay kina Dacer at Corbito, at sa idinidiing si Senador Panfilo Lacson bilang utak nito. (Gemma Garcia/Ellen Fernando/ Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending