Pasukan sa Hunyo 1 itutuloy ng DepEd
MANILA, Philippines – Sa kabila ng kumpirmasyon ng pagtama ng AH1N1 virus sa Pilipinas, tuloy pa rin ang pasukan ng milyon-milyong mag-aaral sa bansa sa darating na Lunes (Hunyo 1).
Sinabi ni Department of Education communication officer Kenneth Tirade, na sa pag-uusap nina Secretary Jesli Lapus at Health Secretary Farncisco Duque III, lumilitaw na tuloy pa rin ang pasukan dahil sa wala pang malubhang banta ng naturang virus sa Pilipinas.
Iniulat umano ni Duque na magaling na at nasa ligtas na kalagayan na ang 10-anyos na batang Filipina na nanggaling sa Estados Unidos nitong Mayo 18.
Kung magkakaroon umano ng suspensyon sa klase ay ang Department of Health ang magtataya kung gaano kadelikado ang naturang virus sa bansa at saka lamang aaksyon ang DepEd.
Tumanggi naman ang DepEd na magkomento kung lubha ba talagang mapanganib ang naturang sakit kumpara sa lokal na sakit na dengue na taun-taong tumatama sa Pilipinas partikular sa mga bata.
Dahil sa walang makakaawat sa pasukan, nakiusap si Lapus sa mga volunteers sa Brigada Eskwela na unahing kumpunihin ang mga bubungan ng mga paaralan at magbigay ng donasyong bubong ang mga pribadong sektor dahil sa maagang pagtama ng tag-ulan sa bansa.
Nabatid na sa buwan ng Hunyo, dalawang bagyo ang inaasahan ng PAGASA at tatlo naman ang posibleng tumama sa buwan ng Hulyo. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending