MANILA, Philippines – Isang pamilyang Pinoy sa Macau ang isinailalim sa quarantine matapos na magkaroon ng contact sa isang pasyente na infected ng influenza A/H1N1 virus.
Sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA), bagamat nag-negatibo na umano sa swine flu ang lahat ng miyembro ng pamilya, na kinabibilangan ng mag-asawa at tatlo nitong anak, mananatili pa rin sa isang linggong isolation ang pamilya.
Pinaalalahanan naman ng DFA ang libu-libong Pinoy sa Japan matapos tumaas na sa 200 ang kumpirmadong kaso ng kinatatakutang virus at nakapasok na rin sa Tokyo na may 32 milyong mamamayan sanhi ng pagpapasara ng mahigit 4,000 paaralan.
Samantala, may pitong bagong kaso ng hinihinalang kaso ng AH1N virus sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Mario Villaverde, lima sa mga ito ay kasalukuyang nasa pagamutan sa NCR, isa sa Region 6, at isa sa region 8.
Ang mga ito aniya ay mula sa mga bansang apektado ng AH1N1 virus tulad ng Hong Kong, Thailand, USA, China at Germany.
Gayunman ayon kay Villaverde ay nakabinbin pa rin ang resulta ng laboratory test na ginawa sa mga ito.
Tiniyak din ni Villaverde na ligtas parin sa A h1N1 virus ang bansa sa kabila ng ulat ng World Health Organization na maging ang bansang Greece ay apektado na rin ng virus. (Ellen Fernando/Mer Layson/Doris Franche)