Pananatili ng Pandacan oil depot, malabo pa
MANILA, Philippines - Hindi pa lubos ang tagumpay ng mga konsehal na pabor sa pagpapanatili ng oil depot at ng iba pang mga kompanya sa Pandacan, Maynila dahil pag-aaralan pa ito ni Manila Mayor Alfredo Lim sa loob ng 15 araw kung saan isasagawa din ang mga konsultasyon sa iba’t ibang sektor.
Ayon kay Lim, hindi pa niya natatanggap ang kopya ng naipasang Ordinance No. 7177 na inaakda ni Manila 1st District Councilor Arlene Koa subalit titiyakin niyang susundin niya ang utos ng korte at ang kapakanan ng nakararami.
Aniya, kailangan na balansehin ang lahat ng aspeto dahil dito rin nakasalalay ang pagkalugi at pag-unlad ng Maynila.
Aminado si Lim na ngayon lamang niya naitindihan ang ordinansang naipasa dahil hindi niya pinakikialaman ang trabaho ng konseho na pawang legislative. Aniya, hiwalay ang executive sa legislative.
Lumilitaw naman na umaabot sa halos P70 milyon ang buwis kada taon ang mawawala sa city government sakaling mawala ang top 7 companies sa Pandacan.
Samantala, tahasang sinabi ni Manila 6th District Councilor Bonjay Isip-Garcia na dapat na i-veto ni Mayor Lim ang ipinasang Ordinance No. 7177 ng City Council o “ Manila Comprehensive Land Use Plan and Zoning Ordinance of 2006”.
Ayon kay Garcia, illegal ang nasabing ordinansa na posibleng magdulot lamang ng mas malaking panganib at pagkalugi ng lungsod.
Hindi naman mawawala ang revenue at employment sa lungsod sakaling mapalayas na mga industriya sa Pandacan, Maynila tulad na rin ng kinatatakutan ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Sa katunayan umano, mas tataas pa ang presyo ng lugar kung hindi na maibibilang ang mga ito sa industrial site. Binanggit din ng lady councilor na ang oil depots na maituturing na highly pollutive at hazardous industries ay kailangang mai-relocate sa countryside kung saan hindi sila makapagdudulot ng panganib sa buhay at kabuhayan.
- Latest
- Trending