Whistle-blower sa Balikatan pinapaaresto
MANILA, Philippines – Takdang arestuhin at ipailalim sa restrictive custody ng Philippine Navy ang isa nitong tauhan na si Lt. Senior Grade Mary Nancy Gadian na naunang nagbunyag sa umano’y anomalya sa paggamit sa P46 milyong pondo ng Balikatan 2007 RP-US joint military exercises.
Ito ang nabatid kahapon sa tagapagsalita ng Navy na si Marine Lt. Col. Edgard Arevalo na nagsabing itinuturing nang deserter si Gadian at ipinalabas na ang kautusan para arestu hin ito at limitahan sa pagkilos.
Ayon naman kay Lt. Col. Romeo Brawner, hepe ng public infornation office ng Armed Forces of the Philippines, ipapaaresto nila si Gadian kapag nabigo itong humarap sa imbestigasyon sa napaulat na paglulustay ng P2.3 milyong bahagi ng pondo ng Balikatan noong 2007.
Sinabi pa ng dalawang opisyal na may tamang mekanimos sa paglalantad ng mga karaingan o reklamo sa AFP.
Idiniin ni Arevalo na absent without leave (AWOL) na si Gadian nang ihayag nito ang sinasabing anomalya.
Unang isinabit ni Gadian sa anomalya si ret. Lt. Gen. Eugenio Cedo, dating hepe ng AFP-Western Mindanao Command na nakinabang umano sa naturang pondo ng Balikatan na ginagawang gatasan ng ilang heneral.
Itinanggi naman ni Cedo ang akusasyon sa pagsasabing binubuweltahan lamang siya ni Gadian matapos niya itong paimbestigahan sa Navy Efficiency and Separation Board kaugnay ng hindi tama at illegal na paggamit sa pondo ng Civil Military Operations.
Kabilang dito ang umano’y pagrenta ni Gadian ng hotel room na P5,700.00 ang bayad sa loob ng ilang araw dahil ito ang dating hepe ng AFP-Westmincom na nakabase sa Zamboanga City. (Joy Cantos )
- Latest
- Trending