Judge 'ginigipit' kay Lozada
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ni Manila Metropolitan Trial Court Judge Jorge Emmanuel Lorredo na ginigipit siya ng Malacañang para bitawan niya ang kasong perjury na isinampa ni dating Presidential Management Staff Chief Mike Defensor laban kay Rodolfo “Jun” Lozada na isang testigo sa maanomalya umanong national broadband project ng pamahalaan at ng ZTE Corp. ng China.
Hindi nagbanggit ng pangalan si Lorredo pero sinabi niya na hindi siya magbibitiw sa kaso kahit may pressure sa kanya mula sa “itaas.”
Nanindigan si Lorredo na itutuloy niya ang pagdinig sa kaso sa Mayo 28 at naniniwala siya na hindi niya dapat ipasa sa ibang hukom ang paghawak ng kaso.
Ginawa ni Lorredo ang pahayag dahil sa panawagan ni Department of Justice Secretary Raul Gonzalez na dapat siyang mag-inhibit dahil sa mga opinion niya noong Mayo 4, 2009 na wala umanong kinalaman sa merito ng kaso. Ito ay matapos payagan ni Lorredo na sa Senado makulong si Lozada sa halip na sa Manila City Jail.
Idiniin din ni Lorredo na maaari din niyang ipatawag sina Pangulong Arroyo at mister nitong si First Gentleman Mike Arroyo bilang mga hostile witness sa naunsiyaming national broadband network project na pinaniniwalaang ugat sa sinasabing pagdukot kay Lozada na nagresulta upang kasuhan ng perjury. Aniya, salig ito sa pinaiiral na rules ng korte sa paglilitis ng kaso.
Pinabulaanan naman ni Gonzalez na pinipres yur ng Malacañang si Lorredo.
Nilinaw ni Gonzalez na, nang sabihin niya na dapat mag-inhibit si Lorredo sa paghawak sa kaso, personal niya itong opinion at walang kinalaman dito ang Malacañang.
- Latest
- Trending