Signal no. 3 sa 13 lalawigan
MANILA, Philippines – Inalerto na kahapon ni Defense Secretary at National Disaster Coordinating Center (NDCC) Chairman Gilbert Teodoro Jr. ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa disaster relief operations sa mga lugar na hahagupitin ng bagyong Emong.
Ayon sa PAGASA, si Emong ay nakasentro sa Region 1, Cordillera Administrative Region, Region 3 at Region 4-B na inaasahang mararamdaman ang malakas na ‘landfall’ ngayong Biyernes.
Naka-standby na ang iba’t ibang mga kagamitan ng DPWH tulad ng mga dump truck, pay loader, chainsaw, back hoe at mga service vehicles na magagamit sa paglilikas ng mga sibilyan na maapektuhan ng bagyo.
Inilagay na rin ng Health Department ang lahat ng kanilang ospital sa white alert habang on call na rin ang kanilang mga emergency response teams.
Nakipag-ugnayan na rin sila sa mga billboard owners partikular dito sa Metro Manila na tiklupin muna ang kanilang mga tarpaulin sa harap ng nakaambang panganib na posibleng maidulot nito sa publiko dahil na rin sa inaasahang pinsalang idudulot ni Emong.
Kahapon ng alas-4:30 ng hapon, ipinailalim sa signal no. 3 ang Pangasinan, Zambales, Tarlac, Nueva Vizcaya, La Union, Ilocos Sur, Benguet, Ifugao, Mountain Province, Kalinga, Apayao, Abra at Ilocos Norte.
Storm Signal No. 2 sa Bataan, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Aurora, Quirino, Isabela, Cagayan, Babuyan Group of Islands, at Batanes.
Signal No. 1 sa Metro Manila, Batangas, Laguna, Rizal, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Lubang Island, Calamian Group of Islands, Cavite, Northern Quezon.
Sinabi ng PAGASA na may lakas nang 150 kilometro bawat oras si Emong.
Samantala, kinansela kahapon ang mga biyahe ng Philippine Airlines flight PR-109 at Cebu Pacific flight 5J-508 patungo at pabalik sa Tuguegarao.
Pito pang domestic flights ang kinansela patungong Caticlan Manila at pabalik na biyahe dahil sa aircraft maintenance at bunga na rin ng naturang bagyo.
Daan-daang pasahero ang stranded at nag-aantay ng kanilang re-booking kapag humupa na ang bagyo.
May 400 pasahero patungong Mindoro at Romblon ang stranded din matapos na kanselahin ng Philippine Coast Guard ang biyahe ng lahat ng sasakyang pandagat. (Joy Cantos/Angie dela Cruz/Ellen Fernando)
- Latest
- Trending