MANILA, Philippines – Inaprubahan kahapon ng House Committee on Justice ang pagsusulong ng impeachment complaint laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez dahil sa pagiging “sufficient in form” nito.
Bumoto ang 28 kongresista para maipasa ang 33-pahinang reklamo laban kay Gutierrez na isinampa noong Marso.
Gayunman, nilinaw ni Committee Chair at Quezon City Rep. Matias Defensor Jr., na ang nasabing bilang ng mga mambabatas ay sapat na para ipasa ang nasabing impeachment complaint matapos na kuwestiyunin ng ilang kongresista ang tamang bilang nila para magkaroon ng “quorum”.
Ang nasabing reklamo ay isinampa ni dating Senador Jovito Salonga at ilan pang organisasyon matapos na iabsuwelto ng Ombudsman si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos kaugnay sa maanomalyang bidding ng Mega Pacific, isyu sa P728m fertilizer fund scam at ang resulta ng imbestigasyon ng World Bank sa mga construction firms na sangkot sa korupsiyon.
Nagbanta din si Salonga sa mga kongresista na dadalhin nito sa Korte Suprema ang usapin sakaling abusuhin ng mga ito ang kanilang kapangyarihan hinggil sa impeachment complaint.
Susunod na pagbobotohan ng komite ang “substance” o sustansiya ng impeachment complaint. (Butch Quejada)