MANILA, Philippines – Tinutulan ni Caloocan Bishop Deogracias Iñiguez ang ginawang pakikipaglahok ng Department of Education (DepEd) sa boxing ng mga elementary students sa Palarong Pambansa ngayong taon.
Ayon kay Iñiguez na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA), bagamat ang boksing ay isang uri ng sports, dapat rin naman aniyang tingnan ang “violent aspect” nito.
Naniniwala si Iñiguez na magdudulot ito ng negatibong epekto sa mga kabataan ang naturang marahas na aspeto ng boksing.
Aniya, iba pa rin ang isipan ng elementary students sa isang sapat na sa gulang na kabataan.
Ipinayo rin ni Iniguez na kung talagang may mga bata na makikitang may abilidad na maging boksingero, dapat ay bigyan na lamang ito ng espesyal na pagsasanay.
Matatandaang inianunsyo ni Education Secretary Jesli Lapus na inilahok nila sa Palarong Pambansa ngayong taon ang boxing sa mga ele mentary students upang makahanap umano ng susunod sa mga yapak ng pambansang kamao na si Manny “Pacman” Pacquiao. (Doris Franche)