Bell choppers ipapagamit pa rin kay GMA
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Presidential Security Group (PSG) na ligtas pa ring gamitin ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang mga Bell 412 helicopters kaya walang dahilan upang hindi ito sakyan ng chief executive sa kanyang mga out of town engagements.
Sinabi ni PSG chief B/Gen. Celedonio Boquiren Jr., wala siyang nakikitang dahilan para hindi niya payagan si Pangulong Arroyo na sumakay sa presidential chopper matapos bumagsak ang back-up chopper nito noong Abril 7 sa Benguet kung saan ay 8 pasahero nito ang nasawi kabilang si Press Undersecretary Jose Capadocia.
Inamin naman ni Gen. Boquiren na ginamit muna ni Presidential son at Pampanga Rep. Mikey Arroyo ang chopper bago ito sinakyan ng mga biktima.
Lumitaw naman sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine Air Force na ang sanhi ng pagbagsak ng presidential chopper ay dahil sa sobrang foggy sa ere habang tinatahak ng helicopter ang ruta patungo sana sa Lagawe, Ifugao hanggang sa bumagsak ito sa Mt. Panataon at hindi dahil sa engine trouble o pilot error. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending