MILF rebs umatake sa Basilan; 1 todas, 2 pa binihag
Naghasik ng karahasan ang mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front makaraang lusubin ang isang komunidad sa Upper Arco, Lamitan City, Basilan noong Biyernes kung saan isang trabahador ang iniulat na nasawi at bihagin ang dalawa-katao.
Sa phone interview, kinumpirma ni Marine Spokesman Capt Neil Anthony Estrella, na hawak pa rin ng grupo ng MILF renegades sina Cosme Aballes, 54; at Hernald Chavez.
Napag-alamang nakorner ng MILF renegades ang manggagawang si Emilio Clemente, habang nagwi-withdraw ng pera kaya pinagbababaril hanggang sa mapatay.
Taliwas naman sa unang napaulat, sinabi ni Estrella na hindi nakidnap ang anim pang biktima na nakilalang sina Ricky delos Santos, 13; Allan de los Santos, 8; Mary Jane delos Santos, 6; Mary Anne de los Santos, 5; Keiyben delos Santos, 3 at si Mary Grace de los Santos, 2.
“ They were not kidnapped , they merely took refuge when they saw the armed MILF rouge elements in the area, were clarifying the issue,” ani Estrella base sa opisyal report na ipinarating ni 1st Marine Brigade Brig. Gen. Rustico Guerrero kay Marine Commandant Major Gen. Ben Mohammad Dolorfino kahapon.
Samantala, kinumpirma rin ni Estrella na pinalaya na ang dalawa pang bihag na sina Glenda Balignot Calimutan, 39; at Connie Balignot, 12, noong Huwebes Santo pasado alas-11 ng gabi sa Tuburan, Basilan.
Unang pinalaya ang 71-anyos na lolang si Trinidad Balignot, 71, noong Abril 8 dahil mabagal itong lumakad.
Ang tatlo ay binihag ng mga armadong grupo noong Abril 5 sa nasabing bayan.
Nagpapatuloy naman ayon pa kay Estrella ang military pressure laban sa grupo ng mga kidnaper na may hawak pa rin sa anim na guro, isang lending firm employee at sa Sri Lankan peace volunteer na si Jaleel Umar, pawang itinatago sa Basilan matapos bihagin noong Enero at Pebrero 2009. Joy Cantos
- Latest
- Trending